Kung wala kang pasensiyang magbasa ng mga mahahabang bagay tulad nito, huwag mo nang simulan. Konting respeto naman sa alaala nito, dahil minsan lamang ako magsulat ng seryoso.
Pero kung
ikaw ang nagbabasa nito ngayon (tulad ng sinabi mo sa akin na babasahin mo na 'tong blog ko), para sa'yo 'to.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------
Kamakailan lamang ay napadpad ako sa isang maliit na piraso ng paradiso sa bandang ibaba ng ating mumunting bansa. Unang beses ko pa lang mapadpad rito, at gaya ng sinasabi ng marami na nanggaling dito, masasabi ko nga na mahikal ang lugar na ito. Maraming mahikang nangyayari sa isla ng Boracay.
Habang naglalakad ka sa dalampasigan, hindi mo maiiwasang magmuni-muni tungkol sa buhay mo. May kapangyarihang dala ang malamig na simoy ng hangin mula sa dagat, ang malambot na buhangin sa ilalim ng mga talampakan mo, at ang mga alon na maligayang nagtatampisaw sa tubig. Tumulala ka lang sandali, at madadala ka ng isipan mo.
Marami akong napag-isipan. 'Pag yumaman ako, bibilhin ko ang isang bahagi ng isla na ito para may matakasan na sanktuwaryo tuwing napakagulo ng buhay sa siyudad. Dadalhin kita rito, at tayo'y magpapakaligaya. Naisip ko rin na oras na para hatakin ang mga marka kong kamakailan ay mas mababa kumpara sa mga nagdaang sem sa eskuwelahan. Naisip ko rin ang mga oras na tayo'y magkasama sa eskuwelahan. Naisip ko kung ano na ang mga nangyari sa buhay ko sa nakalipas na limang taon. Naisip ko rin ang mga nangyari sa buhay ko mula nang makilala kita.
Sa dami ng aking napag-isipang bagay, at sa lahat ng p'wede ko pang pag-isipan, bigla kang napadpad sa isip ko.
Ikaw: ang siyang unang babaeng nakasama ko sa hapunan, na hindi lamang kaibigan ang turing ko.
Ikaw: ang unang taong napagbilhan ko ng gamot nang sumama ang pakiramdam mo at magkasakit ka.
Ikaw: ang unang taong nagyaya sa akin na kumain sa labas (maliban sa hapunan)
Ikaw: ang unang taong nakasama ko na halos lagpas alas-10 na ng gabi , na kahit kinakailangan ko pang magcommute ng tatlong oras pauwi.
Ikaw: unang taong nakapag-engganyo sa akin na muling bumalik sa
sports kahit hindi naman talaga ako mahilig rito.
Ikaw: ang unang taong binilhan ko ng regalo na talaga namang pinag-ipunan ko at pinag-isipan ng matagal
Ikaw: ang unang taong talagang bigla ko lang naiisipan na bilhan ng kung anu-anong bagay dahil lamang gusto kitang mapaligaya.
Ikaw: na siyang laman ng isip ko araw at gabi.
Ikaw: na siyang sukatan ko ng kung ano ang isang anghel para sa akin.
Ikaw: na siyang pinagbuhusan ko na ng napakaraming oras, pagod, lakas, dugo, pawis, pasensya at damdamin, kung nasusukat lamang ang mga ito.
Ikaw: na siyang pinakalaman ng aking mga panaginip at pangarap.
Ikaw: na siyang nagbibigay sa akin ng isa pang dahilan upang magpatuloy pa
Sabi nga sa isang librong kamakailan din lamang ay nabasa ko,
"Gusto kong sabihin mo sa akin ang buhay mo. Gusto kong sabihin sa'yo, ikaw ang [naging] buhay ko."
At tulad ng sinasabi ko sa lahat ng mga kinukwentuhan ko, ikaw na siguro lahat...
...maliban na lamang sa
mag-isa.
Mula sa simula pa lamang, alam kong masamang ideya ang mahulog sa iyo. Ilang beses ko na rin nabanggit sa iyo mismo kung gaano kasuwerte 'yang kasintahan mo, ngunit kahit anong pagdiin ang gawin ko, hinding-hindi ko maipapahayag kung gaano ako kainggit sa kanya. Sinabi ko rin naman sa sarili ko na kung maghihiwalay man kayo, sana hindi dahil sa kasalanan ko.
Napagsabihan na rin ako ng aking ama, maliban sa aking mga kaibigan, na maghanap na lang ng iba. Na hindi ako liligaya ng tunay sa'yo. Na wala man lamang mangagayari sa atin dahil hindi man lamang tayo makakapagsimula. Pinaglalaruan mo lang daw ako at ang mga damdamin ko. Ginagamit mo lang daw ako kasi madalas kitang bilhan ng gamit at dahil minsan lang kayo magkita ng kasintahan mo. Dahil mas maligaya ka raw na napapalibutan ng mga lalaking patay na patay sa'yo.
H'wag kang mag-alala, masasabi kong naging tapat ang mga damdamin ko sa'yo. Ngayon lamang ako nakaramdam ng ganito, at pinasasalamatan kita. Kahit kailan man hindi kita napag-isipan ng masama. Aaminin ko, may mga ilang pagkakataon na sumama loob ko sa'yo, at kung minsan nga ay nahahalata mong masama loob ko, pero kahit kailan ay hindi ako nagalit sa'yo. Hinding-hindi ko kaya magalit sa'yo, kahit sa mga bagay na tingin ng mga matatalik kong kaibigan na ginagawa mo sa akin. Mula pa noong simula, at hanggang sa puntong ito siguro, hindi ko talaga kaya magalit sa'yo.
Siguro nga, sa isang banda, minahal talaga kita.
Kung naging tayo man, hindi ko maipapangako sa'yo na mabibigay ko sa'yo lahat.
Alam kong kahit kailan, hindi ako magiging sapat para sa'yo, pero palagi pa rin akong narito.
Alam kong simple at mababaw lamang ang mga sinasabi ko, pero tinutupad ko ang mga 'to.
Alam kong wala akong diyamanteng singsing na malalagay sa daliri mo; ang sisiguraduhin ko lang, sana habambuhay maging tayo.
Alam kong hindi ko masasabi na magiging madali 'to, pero wala rin naman nagsabing madali rin ang maging santo.
Alam kong mas maraming iba diyan na di-hamak na mas gwapo, mayaman, matalino, matiyaga, at mas may kaya, pero kung meron man akong mas malalamang sa kanila, siguro kasi kamay mo na ang may hawak sa puso ko na siyang inalay ko sa'yo.
Kung may naging kasalanan man ako, siguro ang pinaka-kasalanan ko, nagmahal ako...
...at naghintay. Sa ilang ulit na sinabi mong pinag-iisipan mo pa. Gusto kong sabihin sa'yo, napakasuwerte mo sa kasintahan mo. Minsan ka lang makahanap ng ganyang lalaki sa mundo, na handang ialay ang habambuhay sa'yo. Isang misteryo sa akin kung bakit pinag-iisipan mong pang makipaghiwalay sa kanya, eh kung halos lahat ng ibang babae sa mundo ay ang hinahanap ay ang siyang lalaking iaalay ang habambuhay nila sa kanila. Iba ka nga naman sa ibang mga babae. Onga naman.
Kung di mo pa nakukuha ang nais kong sabihin hanggang ngayon, ito lang naman:
Napapagod na ako kahihintay sa'yo.
Sinulat ko pangalan mo sa ere gamit ang mga ulap, ngunit bumagsak lamang ito pabalik sa akin sa anyo ng ulan.
Sinulat ko ang pangalan mo sa buhangin ng dalampasigan, ngunit inalon ito at siyang nabura ng tubig.
Sinulat ko ang pangalan mo sa isang dahon mula sa inang kalikasan, ngunit hinangin ito na naihip papunta sa kawalan.
Sinulat ko ang pangalan mo sa kalangitan gamit ang mga tala, ngunit ito'y naging bulalakaw na siyang naging hiling lamang para sa isa pang nangangarap mapasama sa'yo,maliban sa akin.
Kaya sinulat ko pangalan mo sa puso ko upang hindi na kita hanapin pa, na kahit saan mang lupalop ako ng mundo makarating ay dala-dala ko ang alaala mo.
Kahit sa bawat pag-apak ko sa dalampasigan ay binubura ng hangin at alon, malinaw na nakatatak sa aking isipan ang anumang pinagsamahan natin. Kung ano man tawag natin dito. Kung sa isang banda ay, awa ng Diyos, nagkaron ka rin ng mga damdamin sa akin.
Kung binabasa mo 'to ngayon, kilala mo kung sino ka. Ikaw lamang ang makakaalam na ikaw ang tinutukoy ko rito. At alalahanin mo, lahat 'to, bunga ng isang paglalakad sa dalampasigan.