Para sa mga hindi pa nakakaapak sa loob ng isang jeepney o bus sa buong buhay nila, sa mga hindi pa nakakatikim na mabugahan ng tambucho ng bus sa EDSA, at sa mga nagmamay-ari ng balat na kailan man ay tila hindi nahaplusan ng polusyon sa siyudad, o anumang kadahilanan at ayaw kayong payagan ng kung sinuman na magcommute, hayaan ninyong magsilbing gabay ito upang maging edukado kayo sa munting sining ng pagcocommute.
"KapitanTutan's Guide to Surviving Commuting in the Metro (Filipino Version)" by Mico Maglaque
Unang-una, hayaan ninyong sabihin ko sa inyo na madali ang magcommute. Para sa mga madalas nakaririnig sa akin na magreklamo tuwing nagcocommute ako, madali naman talaga ang akto ng pagcocommute. Ang mahirap lang naman, ang ganahan ka upang gawin ito, ang paglalakad, at ang pawis, at ang....
Seryoso na.
Mga bagay na dapat malaman sa pagcocommute:
1) Saan ka nga ba pupunta?
Kung ito pa lang, hindi mo na masagot, aba, maaari mo munang isara ang blog post na ito at pagnilayan muna sandali kung anong direksyon nais puntahan ng kaluluwa mo. Muling simulan basahin kapag nasagot mo na. Dahil pinagpala tayo at mayroon nang Google Maps o kaya ay Google Earth, malaking tulong ang mga ito para sa mga maglalakbay patungo sa mga hindi pamilyar na lugar.
2) Paano ka nga ba maglalakbay?
Bago ka pa man sumabak at makisama sa mga kakabayan mong naglalakbay, maaari munang alamin ang mga pwedeng sakyan kapag nasa kalye ka na, dahil hindi naman pwedeng maglakad ka lang mula bahay hanggang sa pupuntahan mo, kasi balita ko hindi commute tawag doon.
a) Tricycle - Dahil maliit lamang ang tricycle, mas madalas itong makita sa mga malaliit na kalsada ng mga subdivision at village sa kaloob-looban mismo ng mga lungsod. Madalas nakikita sa mga hintayan nito. Nagsasakay ng apat hanggang anim na tao.
Pamasahe: Nasa P7.00 hanggang P40.00 pataas, depende kung hanggang saan sakay mo, at kung "special" ang pinili mo. Ang "special" ay kadalasan wala sa talagang ruta ng tricycle na sinakyan mo ang nais puntahan, o di kaya'y mas pinili mong bayaran na lang ang sanang pamasahe ng pang-apat o anim na tao na kasakay mo sana.
Ang masaya: Madalas ay sandali lang ang biyahe kapag naka-tricycle ka. Madalas rin na ito ang huling naghahatid sa'yo papunta sa destinasyon mo.
Ang hindi masaya: Kapag kupal ang tsuper at 'kala mo kung sino humataw ng silinyador kapag mag-isa sa kalye.
Mag-ingat dahil: Madalas itong naaaksidente dahil sa mga nasabing kupal na nagmamaneho. Madalas ka ring mababasa habang nakasakay dito kapag dumadaaan sa baha at may nasalubong kayong mabilis magmaneho.
Pamasahe: Nasa P8.00 hanggang P12.00, bawas-piso kung estudyante ka.
Ang masaya: Kung minsan ay may "student discount" (depende sa kabaitan ng tsuper), magaan sa bulsa, madaling hanapin, at masayang karansan ang masubukan na sumabit habang umaandar ito.
Ang hindi masaya: Mga kupal na tsuper na hindi alam na may "student discount" kahit naka-id ka na; kung hindi ka makasabit dahil umuulan nang malakas, at kung ayaw magsakay kahit may bakante sa likod.
Mag-ingat dahil: Madalas itong nasasakyan ng mga holdaper, pickpocket, snatcher, o kaya'y mga namamalimos na nagtatambol sa likod.
c) Bus - Ikalawang pinakatalamak na paraan ng paglakbay sa lungsod. Mas marami itong nasasakay kumpara sa mga Jeepney, at kung minsan ay naka-aircon pa. Iilang mga kumpanya ng bus ang may estasyon pa lamang sa mga sakay ng bus nila. Mas malayo rin ang nararating ng mga bus, kaya mas mahal din ng onti ang pamasahe. Mas kailangan nga lang mag-ingat kapag pumipili ng sasakyang bus, dahil kung di mo inayos ang pamimili ng bus na sasakyan, baka paggising mo, nasa Tuguegarao ka na pala.
Pamasahe: Nasa P20.00 hanggang P120.00 pataas, depende kung hanggang saan sakay mo.
Ang masaya: Aircon! Minsan may telebisyon din sa bus, kaya makakalibreng nood ka ng sine o palabas. May mga umaakyat din na manininda ng kung anu-anong pagkain at pasalubong.
Ang hindi masaya: Kapag nakatulog ka at nakalagpas sa bababaang lugar, dahil hindi basta-basta nagbaba ang mga kundoktor ng bus.
Mag-ingat dahil: Madalas din itong nasasakyan ng mga holdaper o di kaya'y mga terrorista na nambobomba ng bus. Mas mainam na hindi sumakay kapag malalim na ang gabi.
d) Padyak o Pedicab - Mas maliit na bersyon ng tricycle at pinapatakbo lamang gamit ng lakas ng nagmamaneho. Nagsasakay ng hanggang dalawang tao lamang. Nahahanap sa mga mas liblib na lugar ng siyudad.
Pamasahe: Nasa P10.00 hanggang P40.00 pataas, depende kung hanggang saan sakay mo, kung gaano ka kabigat, at kung pagod na ba ang nagmamaneho.
Ang masaya: Ang lakas naman ni kuya manong at kamacho-han lang niya ang nagpapaandar sa pedicab.
Ang hindi masaya: Kapag pagod na pagod na si kuya manong kakapadyak dahil sa bigat mo. Senyales na yan upang mag-diet ka.
Mag-ingat dahil: Madalas itong naho-holdap kapag naibaba ka sa madilim na lugar.
e) Taxi - Sa totoo lang, hindi ko masabing kasama ito sa pagcocommute, dahil madalas naman ay nagpapahatid ka diretso sa lugar na nais mong puntahan. Mahal at kupal sa kalye, ngunit sulit kung may pambayad ka naman o kung nagmamadali ka na.
Pamasahe: Nasa P30.00 hanggang P250.00 o anuman ang boundary nila. P30.00 ang simula pagsakay mo, at nadadagdagan ng 2.50 kada 250 na metro na lakbayin ninyo.
Ang masaya: Aircon ulit! Minsan mababait ang mga tsuper at nakikipag-kwentuhan. Kung sobrang bait ay inaabot niya ang contact number niya sa iyo upang may matawagan ka kapag kailangan mo ng sasakyan.
Ang hindi masaya: Mga kupal na nagpapadagdag pa ng singil maliban sa nakasulat sa metro ng sasakyan, kung LPG ang taxi dahil nakasusuka ang amoy ng singaw sa tambucho nito, at nakakahilo na pabango ng ilang mga taxi.
Mag-ingat dahil: Madalas ito ang sinasakyan ng mga holdaper, at kung minsan ang tsuper nga mismo ang nagho-holdup, kidnap, o di kaya sila mismo ang nagdadala sa'yo papunta sa mga masamang loob.
*Special Mention: Kapag nagpaalam ang tsuper kung pwede ba siyang mag-spray ng pabango sa aircon, TAKPAN MO AGAD ILONG MO AT BUMABA KA NA KAGAD, dahil kadalasan pampatulog ito. Ito ang mga modus operandi ng mga may masasamang balak.
f) Mga tren, tulad ng MRT o LRT - Mura, mabilis, at dumadaan sa puso ng mga lungsod sa Metro Manila, ang mga tren na tulad ng MRT at LRT ang mas pinipili sakyan ng mga pumapasok sa trabaho dahil ang mga linya ng mga ito ay dumadaan malapit sa karamihan ng mga opisina o di kaya'y mga mall na madali lamang puntahan.
Pamasahe: Nasa P7.00 hanggang P15.00, depende sa linya at stasyon na bababaan mo.
Ang masaya: Aircon ulit! Mabilis umandar, at dumadaan malapit sa mga mall.
Ang hindi masaya: Mga kupal na pinipilit pumasok kahit puno na ang tren, mga naka-sando, siksikan madalas.
Mag-ingat dahil: Dahil mahigpit ang pagbantay ng mga gwardiya bago ka pa man makapasok sa stasyon, ang mas talamak dito ang mga snatcher, pickpocket, o anumang lahi ng magnanakaw. Ingat rin sa mga malakas manulak ng tao. Hindi uso ang "personal space" dito, ang huwag kang magulat kung napipisat ka na sa sikip.
*Special Mention: Grupo-grupo ang mga magnanakaw dito. Huwag mahiyang manulak ng taong harang sa pinto, dahil kung minsan, kasamahan nila ang mga ito. Nanakawan na ako dito, kaya magtiwala sa akin.
3) Mga S.O.P kapag nagcocommute (Pananamit, ano dapat gawin, dalhin, etc.)
a) Pananamit
Maaring manamit ayon sa tatlong bagay:
Komportable - mahalaga ito dahil matagal kang maglalakad o kaya ay uupo. Depende na sa inyo kung ano ang komportable para sa inyo, pero para makapagbigay ng matinong halimbawa, maayos na ang simpleng t-shirt, pantalon, at rubbershoes. Para sa mga babae, pasasalamatan kayo ng mga paa ninyo kapag naisipan ninyong huwag muna mag-heels.
Praktikal - Dahil napakalabo ng panahon dito sa Pilipinas, tama lang na mananamit ka rin base sa kasalukuyang panahon sa pupuntahan mong lugar, o kaya kung sa tingin mo uulan ng malakas mamaya pag-alis mo. Kung hindi mo masabi kung uulan nga ba, magdala ka na lang ng mallit na payong para sigurado.
Maayos - Isipin mo kung saan ka dadaan, at kung sinu-sino ang makakakita sa'yo. Para sa mga babae, huwag naman kayong manamit ng sobrang revealing dahil ayaw ninyo naman na pinagtitinginan kayo diba? Minsan, kasalanan niyo rin naman kung bakit binabastos kayo (seryoso, samahan niyo pa ng "tamang" ugali na kapares ng maikli ninyong damit, at huwag kayong magtaka kung minamanyak kayo). Para sa mga lalaki naman, kung kayang iwasan, huwag magsasando. Maawa kayo sa mga sasalubong sa kili-kile ninyo.
Isang karanasan ko: Sumakay kami ng ate ko sa MRT ng mga alas-singko ng hapon papuntang Makati mula sa Cubao. Nagkataon, ang kasabay namin, isang grupo ng mga costruction worker na kagagaling lamang sa trabaho. At dahil napadpad kami sa banda gitna ng Men's Carraige, natural lamang na nasa ibabaw naming dalawa yung sabitan ng tren. At natural rin na dahil naipit kami sa gitna noong nasabing grupo kanina, pitong pares ng magkakaibang kili-kile ang sumalubong sa mukha naming dalawa. Sa sobrang bagsik ng nalanghap naming hangin, p'wede ko nang isawsaw sa ere sa pagitan ng mukha namin at ng mga kili-kile nila yung chicharon, at maglalasa 'to na parang bagong-sawsaw sa suka.
![]() |
Langhap-Sarap! Parang Jollibee lang. |
b) Mga dapat palaging dala:
Payong - dahil napakalabo ng panahon dito sa pilipinas.
Pamaypay - hassle na pawisan, diba?
Extrang t-shirt - sa kasamaang palad na pinawisan ka, mainam na may pamalit na damit.
Pabango / deodorant - para sa mga malalang kaso.
kung sa tingin mo malala ang panahon, at talagang kailangan mong magcommute, hindi masama ang magdala ng extrang underwear at medyas. Hindi mo alam kung kailan ka mababasa nang wala sa oras. Malaking bagay din ang tsinelas sakaling bumabaha na.
c) Mga payo:
- Unang-una, Alalahanin na nasa Pilipinas ka. At dahil nasa Pilipinas ka, alam mo na dapat na ang tunay na sukat ng distansya dito ay wala sa layo ng lugar, kundi nasa tagal ng paglalakbay papunta rito. Mainam din na magbigay ng oras para sa mga hindi-inaasahang pangyayari. Kung tumatagal ng isang oras ang commute mo papunta sa lugar, at sabihin natin na 6 A.M. na, at kailangan 7:AM ka nandoon, dapat 5:30A.M. pa lang, wala ka na sa bahay. Hindi ka mahuhuli sa ganitong paraan. Seryoso, para sa akin, mas madali pang pumunta sa bahay ng tita ko sa Lipa, Batangas, kaysa pumunta sa Ateneo. Isang oras lang ang biyahe papuntang batangas, pero dalawa hanggang apat na oras papuntang Ateneo, kapag walang traffic.
- Kung maari, konti lamang ang dalhin na gamit. Mas mabilis kang makakagalaw, at mas madaling depensahan ang sarili sakaling may mangyaring kalokohan.
- Kung kaya mo naman na hindi muna ilabas ang cellphone mo o anumang gadget, huwag mo basta-basta ilalabas ang mga ito. Makikita ka agad ng sinuman na nagbabalak ng masama.
- Hiwalayin ang lalagyan ng pamasahe at ng pera mo talaga, para kung sa kasamaang-palad na mahold-up ka, hindi lahat ng pera mo ang makukuha sa'yo sakaling hindi ka lumaban.
- Mas mainam na barya ang pamasahe mo kaysa sa buo. Masusulit mo ang mga exact fare na mga pila sa mga estasyon, at mas makakatipid sa oras dahil hindi na kailangan magbilang ng kahera ng isusukli sa'yo.
- Huwag basta-basta lalaban kapag naharang ka. Hindi mo alam kung nag-iisa ba sila o may mga kasamahan sa paligid. Kahit pa bihasa ka sa kung ano mang Martial Arts, mas importante na mabuhay ka kaysa sa humarang sa'yo.
- Maglakad nang mabilis, at maging maingat sa paligid. Huwag tatanga-tanga habang tumatawid ng kalye. Sundan ang mga batas-trapiko at ang mga karatula sa paligid. Maaari namang magtanong sa mga mapagkakatiwalaang tao tulad ng mga security guard o kaya mga maintenance na mga tao kapag naliligaw.
**Mico, nahold-up ako!: IBIGAY MO NA. Mas pasasalamatan ka ng magulang mo na buhay ka kaysa sa nasa'yo pa rin ang mga gamit mo pero may saksak ka naman sa tagiliran. Humingi ng saklolo, at tumawag agad ng pulis o ng sinumang makatutulong. Kung kailan agad ng atensyong medikal, magpatawag na rin ng ambulansya. Huwag mo nang habulin ang holdaper, trabaho na yan ng mga pulis. Hindi sa lahat ng oras, p'wede kang magpaka-martyr. Mas mahalaga ang buhay mo, tandaan mo yan.
*** Advanced tip: Ayusin mo ang orasan mo ng sampung minuto na mas maaga, para kung sakaling ang oras sa orasan mo ay sakto sa itinakda mong oras na makarating sa lugar, sa katunayan ay may sampung minuto ka pa na magagamit sa paghabol at pagmamadali papunta sa lugar. Malaking tulong ito, at maniwala kayo, ilang klase ko na ang naisalba nito.
4) Ano dapat asahan kapag o habang nagcocommute.
a) Pawis - papawisan, at papawisan ka ng husto.
b) Polusyon - mabubugahan ka ng usok, makakaamoy ng basura, at sari-sari pang klase ng polusyon.
c) Maraming tao - hindi ka lamang nag-iisa sa pagcocommute. Huwag magulat kapag may bumangga o tumulak sa'yo. Huwag ka rin mahiya na manulak at manangga. Allergic ka dapat sa mga mababagal na tao sa harap mo.
d) Malabong panahon - hindi ko labis madiin kung gaano kaasar ang bagay na ito.
e) May mga masasamang-loob sa paligid - mag-ingat ng husto.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Sa anumang paraan ay hindi ko nais gawing panakot ang post na ito o ipag-dalawang-isip ang mga magulang na nagdedebate ngayon kong pagcocommute-in ba ang mga anak nila. Ginawa ko ito upang tulungan ang mga tao diyan na maaaring may trabaho na nga at pamilya, pero hanggang ngayon ay 'di pa rin marunong magcommute, dahil baka sakaling ito na lang ang magtuturo sa kanila.
Para sa mga baguhan sa pagcocommute diyan, nawa'y pagsilbihan kayo ng munting gabay na ito.
-Myx
-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Bonus: Kapag matagal-tagal ka nang nagcocommute (tulad ko), dito mo mauunawaan ang halaga ng pagkakaron ng isang kotse. At dahil banas na banas ka na sa pagcocommute, gaganahan ka na upang matuto magmaneho ng kotse.
Mga Sanguunian:
- Mga imahe mula sa Google Images.
Dahil sa himig at pagtatangka nitong maging komprehensibo kaya binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!
ReplyDelete