Showing posts with label #ADMU. Show all posts
Showing posts with label #ADMU. Show all posts

Wednesday, August 29, 2012

Pendong Pis!

Pagmasdan nang mabuti ang mga sumusunod na litrato. Pansinin ano meron (o wala) sa kanilang lahat.

Vin Diesel

Derek Ramsay

Samuel L. Jackson

Dwayne "The Rock" Johnson

Bruce Willis

"Lahat sila, lalaki?"...umm, oo, pero hindi iyon ang gusto kong punahin.
"Aaaah, edi lahat sila, artistang lalaki?"...tama rin 'yon, pero hindi pa rin iyon.
"Alam ko na! Lahat sila, gwapong artistang lalaki! <3" Sasapakin na kita, ang kulit mo ah. Sabing pagmasdan nang mabuti eh!

"Alam ko na talaga: Lahat sila, successful na gwapong, artisang lalaki!"
Nakanambugi naman o.

Bakit kapag artista, matagal itong mapansin, pero kapag ordinaryong tao, napakabilis?
LAHAT SILA, KALBO!

(Okay, si Derek medyo hindi, pero kalbo na rin yan!)

-----------------------------------------------------------------------------------------------------------

Tuwing nagpapakalbo ako, madalas akong natatanong, "Mico, bakit ka nagpakalbo?!". Madalas kong sagot, "bakit hindi?" para matahimik lang sila. Sa dami na ng mga dahilang aking naibigay, nauubusan na ako ng sasabihin. Heto ang ilang halimbawa ng mga dahilan aking madalas binibigay:

"Aaah, kasi nakidnap ako ng White Lotus sa Avatar, ako na raw ang susunod na Avatar."
"Kasi tinatawag na ako ng mga Shaolin na monghe sa China, kukunin daw nila ako bilang susunod na Bruce Lee."
"Dahil ang plural ng cactus ay cactii. " (Ano raw?! BOOM! Matinik ka, pickup!)

Ilang daantaon na siguro ang nakalipas mula noong pinakaunang napagtripan ang mga kalbo, ngunit hanggang ngayon, habang ako'y nagcocommute sa araw-araw na pagpasok sa klase, ay nakaririnig pa rin ako ng ilang pagloko sa aming natitirang buhok. Sandaang bata na siguro ang minura ako dahil napitik sila ng kaibigan nila dahil napadaan ako habang naglalaro sila ng "Pendong Pis" sa MRT. Isang aktuwal na nangyari sa akin isang linggo lamang ang nakalipas:

*Setting: Isang jeep sa may pasay, isang mainit na umaga.*
Nakaupo ako sa bandang gitna ng jeep, sa kaliwang banda. Katapat ko ang isang nanay kasama ang kanyang anak na malikot at ayaw umupo.

Nanay: "Anak, kapag naglikot ka pa, kita mo 'yang kalbo sa harap mo? (sabay turo sa akin) Kukunin ka niyan kapag makulit ka."

Sakto naman at napatingin ako, at dahil mainit at itim pa ang damit kong suot noong araw na iyon, nakasimangot ako. Nagkatinginan kami noong bata na iyon, at isipin mo, UMIYAK SIYA. Hindi lang basta iyak, humahagulgol pa. Taob ang mga soap opera sa GMA sa iyak nung bata. Hindi ko malaman kung matatawa ba ako dahil sa nangyari, o maiirita dahil nagamit ako nung nanay ng bata, wala man lang talent fee!

Pero seryoso na. Matagal ko nang pinaghandaan ko ang tanong na ito na madalas bumabagabag sa isipan ng ibang taong nakakikita sa mahaba at kulot kong buhok. At due to popular demand, sasagutin ko na ang inyong mga nagliliyab na tanong sa pamamagitan ng blog na ito.

Iisa lang naman ang dahilan ko bakit ako nagpapakalbo: maraming benepisyo ang pagpapakalbo.
Hindi ka naniniwala?

*drum roll, please*

Mico Maglaque, in association with Universal Studios, inc., proudly presents...



"Ang mga Benepisyo ng Pagpapakalbo" ni Mico Maglaque.

1) Nakatutulong sa ating kapaligiran at inang kalikasan ang aking pagpakalbo.
Inang kalikasan?! Buhok? Oo, sa maniwala kayo o sa hindi, nakatutulong sa inang kalisakasan ang pagpapakalbo, ngunit, upang mapaliwanag ko ito ng maayos, kakailanganin natin ang tulong ng kaunting physics. 

Isipin mo na ang ulo ko, kapag kalbo, ay katulad nitong bakal na bola na ito:

Oo, ganyan rin kakintab ang ulo ko kapag bagong kalbo.
Pansinin na dahil makinis at pabilog ang ibabaw ng bolang ito, kapag ito'y gumalaw sa ere, dumadaplis lamang ang hangin dito. Tingnan ang sumusunod na litrato:


Isipin na hangin ang mga pulang linya.
Ang pangyayaring ito ay resulta ng aerodynamics, kung saan isa sa mga teorya na bahagi nito ay mas kaunti ang air resistance na sumasalubong ng isang bagay kapag ang hugis nito ay streamlined o hindi sagabal sa daloy ng hangin kapag ito'y gumagalaw. Eh ano naman koneksyon ng pagiging aerodynamic ng ulo ko kay inang kalikasan?!

Simple lang. Dahil aerodynamic ang ulo ko, mas kaunting pagsisikap ang aking kailangan upang gumalaw. Dahil mas kaunting pagsisikap o effort ang aking kailangan upang gumalaw, mas kaunting enerhiya ang aking kailangan upang gumalaw. Dahil mas kaunting enerhiya ang aking kailangan, mas kaunting pagkain ang aking kailangan kainin na magbibigay ng enerhiya sa aking katawan upang gumalaw. Dahil mas kaunting enerhiya ang nagagamit ko, mas kaunti ang init ng katawan ko na nalilipat sa kapaligiran, at dahil dito, nabawasan ko ang kabuuang temperatura sa mundo, at makakatulong ito sa pagsupil ng global warming. Dahil rin mas kaunting pagkain ang aking kailangan kainin, mas kaunting hayop ang kailangang patayin upang pakainin ako, at dahil nabawasan ang bilang ng mga hayop na kailangang patayin upang pakainin ako, mas may pagkakataon silang magparami, at maraming benepisyo ito sa mga nagaalaga ng hayop.

Titigil muna ako rito, dahil napakahaba ng koneksyon ng ulo ko at ng mundo, pero ang punto, nakatutulong ako sa inang kalikasan, sa gusto o sa ayaw ninyo.

2) Maganda itong panimula ng usapan.
Dahil minsan lamang ako magpakalbo (tingnan mamaya ang #5), isang malaking misteryo sa mga taong minsan lang makakita sa akin kung bakit ako nagpapakalbo. At tulad ng ginagawa ko ngayon, malayo ang nararating ng usapan tungkol lamang sa aking gawain. Ayos.

3) Nakadaragdag ito sa aking proteksyon kapag nagcocommute ako.
Tulad ng nabanggit ko nangyari sa jeep kanina, ang mga kalbo ay madalas nakikita bilang masasamang-loob tulad ng holdaper o kidnapper. Hindi ka mag-aangas sa lalaking itim ang damit , nakasimangot, at kalbo.

Lalo na kapag kasimpogi mo si Bruce Willis


4) Dahil ayon sa aking tapat na barbero, mas diretso raw ang tubo ng buhok mo kapag ikaw ay nagpapakalbo.
Saksi ako sa pangyayaring ito. Mula ikaanim na baiting hanggang ngayon ay nagpapakalbo ako, at napansin ko rin naman na mas diretso nga ang tubo ng buhok ko kung ikukumpara sa buhok ko bago pa man ako nagpakalbo.

5) Mas nakatitipid ako sa pagupit.
Dahil sagad sa aking ulo ang kadalasang pagkalbo sa akin, mas matagal tumubo ang aking buhok hanggang sa punto na kailangan ko nanaman itong pagupitan At dahil mas matagal ang panahon bago pa man ako magpagupit ulit, mas kaunti ang nagagastos ko kada buwan.


Iilan lamang ito sa mga rason kung bakit ako nagpapakalbo, ngunit sa tingin ko ay sapat na ito upang masagot ang inyong mga katanungan. Kapag may naisip pa akong mas malupit na dahilan, idadagdag ko rito.

Oo, at puwede rin ako maging successful, gwapo at lalaking artista tulad ng mga lalaki sa itaas.

-Myx.
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------
Mga Sanggunian:
- www.google.com/imghp  para sa mga litrato
- ang aking lumang physics notebook noong nasa high school pa ako, para sa kahulugan ng aerodynamics

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Bonus Content para sa mga hindi matahimik:

FAQs, o "Frequently asked  questions" tungkol sa pagpapakalbo:
1) Gumagamit ka pa ba ng shampoo?
Oo, gumagamit pa ako ng shampoo. Gaano karami?  Maglagay ng isang limang-piso sa palad. Tantiyahin ang sukat o laki ng piso. Ganyan karami.
2) Mahangin ba?
Oo, mahangin. Sa unang gabi matapos akong kalbuhin ay sinisipon ako dahil sa lamig ng pakiramdam
3) Puwede pahawak?
Ayos lang, pero may service-charge na yan.

Saturday, January 28, 2012

Opinion: Ano ang "friendzone", at ano ang epekto nito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas?

SCENARIO:
Matagal nang nililigawan ni Boyet si Girlalu (sabihin nating mag-iisang taon na. Lakas mo, brad!).
Naisip ni Boyet na total matagal na silang magkakilala ni Girlalu, at matagal narin niyang nililigawan ito, siguro naman puwede na sila maging mag-kasintahan. 
Isang araw ay lumabas sila sa Mall para mag-date. Tingnan ang maikling komik sa ibaba 
(maaring i-zoom nalang kapag hindi makita ng maayos):




*isang moment of silence para sa kumpadre nating na-friendzone.*


Hala! Holy Kalabawbibaw! Na-"friendzone" si Pareng Boyet! Sa hindi-mapaliwanag-kung-anong-kababalaghan na pagkakataon (at malamang dahilan), mas napili ni Girlalu na maging magkaibigan nalang sina ni Boyet! Para sa maraming lalaki ngayon, katapusan na ito ng pagkakataon nilang maging kasintahan ang babaeng kanilang niligawan. "Friendzone" ang tawag sa pangyayaring ito, at laganap ito kahit sa kasulok-sulukan ng mundong ito. 



Nakanambugi, so ano nga ba ang "Friendzone"?!
Kung binabasa mo ito ngayon ay malamang nasa 16-taong gulang ka pataas. Ibig-sabihin ay marunong ka naman siguro mag-context clues.
Pero para sa kapakanan ng nakararami: ang "Friendzone " ay ang pangyayari kung saan mas pinipili ng kasalukuyang babaeng nililigawan mo na maging magkaibigan nalang kayo imbis na maging magkasintahan. 



Etymology ng salitang "Friendzone":
Aba, malay ko ba. Nagsimula lang kumalat itong salitang ito noong mga bandang Disyembre noong taong 2011 sa mga website na tulad ng 9gag.com*, kung saan kalat ang mga komik sa katulad ng nasa itaas. Dahil napakalaking bagay ang sakop ng salitang ito, hindi nakagugulat na kumalat ang konseptong ito, at maipuna bilang isang negatibong bagay.
 *BABALA: Humihigop ng kaluluwa ang nasabinh website. Maaring magdala nalang ng isang timba ng Holy Water kapag tatampukin ang website na ito)


Masama nga ba ang "Friendzone"?
Tanungin mo nga sarili mo. Kailan ba naging masama na maging magkaibigan? Maliban nalang siguro kung hindi mo talaga gusto yung tao diba. Pero kung hindi mo talaga gusto yung tao, bakit ka nakipagkaibigan in the first place?! At kailan pa hindi naging kasama sa proseso ng panliligaw ang maging magkaibigan muna? Ano na ang nangyari at nagmamadali na ang mga tao sa kasalukuyang panahon? Lahat nalang ng  gusto ay instant: kape, noodles,  trabaho, kaligayahan...lahat na!


Maiintindihan ko naman kung ang basehan ng mundo ay ang kalendaryo ng mga Mayan kung saan labing-isang buwan nalang mula sa pagkasulat nitong blog na ito ay magugunaw na ang mundo. Pero hindi parin e. Kahit pa isandaan pang taon ang itatagal ng mga tao sa mundo, may malaking pagbabago na sa mga bagay na pinapahalahagahan ngayon.


Ang konseptong ito ang nagpapakita kung ano na ang pinapahalaga ng karamihan sa mga tao ngayon, kung hindi man lahat. Sa bilis na ng daloy ng buhay ngayon, kung saan ang mga makina ay automated na at parami na ng parami ang nadadagdag sa mga bagay na instant, naaapekto na ang mga tradisyon at pinapahalagahan ng mga tao ngayon. Kasama na dito ang matagal nang tradisyon ng panliligaw.


Hindi ba pwedeng magkaibigan muna bago maging magkasintahan? Sa tingin ko, wala namang problema dito. Malaking BONUS (malaki talaga) na mas mapalapit muna kayo sa isa't-isa, kaysa naman sa wala. Isipin mo: mas pinapahalagan ng Girlalu mo ang pagkakaibigan niyo, ang pagsasama  niyo bilang magkakaibigan. Mas pinipili niya ang quality over quantity. Kung ating tatandaan, sinasabi nila dati na "sa pagkakaibigan nagsisimula lahat", at pag sinabing lahat, kasama na diyan ang pagiging magkaibigan, magkaaway, magkabati, magka-ibigan, at magkasintahan....package-deal nga!


Kaya mga kapatid sa pananampalataya o paniniwala, huwag maabala sa friendzone! Sa halip, magdiwang! Hindi iyan simula ng pagtatapos; simula iyan ng susunod na kabanata bilang magkaibigan. AT HUWAG SUMUKO NG WALANG LABAN!


Sabi nga ni G.I. Joe: "Knowing is half the battle".
Hindi man related sa dinaldal ko sa itaas, astig parin pakinggan, diba?!?!


Peace!
Mula sa isang taong Hari ng "Friendzone", sabi ng kuya niya.
-myx
-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Bonus Content: Ang sagot sa pamagat ay malamang, wala. Uminom ka nga ng gatas. 

Sunday, January 22, 2012

Nasa Mata ng Tumitingin, Nasa Sapatos ng Nakakaranas

 *Larawan mula sa http://thisiscolossal.com/wp-content/uploads/2011/05/chair-1.jpg

Tingnan ang upuan nasa ibabaw. Isa itong likhang sining na ginawa ng isang nangangalang Vivian Chiu. "Inception Chair" ang tawag sa upuan na ito, na sa aking opinyon, ay maaring na-inspire mula sa sikat na pelikulang "Inception" na naipalabas noong taong 2010, kung saan ginamit ng dalawang bida ang mga "panaginip sa loob ng panaginip" (o "dream within a dream") ng kanilang mga biktima upang makakakuha ng importanteng impormasyon. (mula sa http://en.wikipedia.org/wiki/Inception). Ang pelikulang ito ang nagsimula ng kaisipang may mga bagay sa loob ng isa pang bagay. Kung titingnan mula sa anggulong itoang upuan , mukha itong ordinaryong upuan na may kakaibang disenyo. 


Ngunit, kapag tiningnan natin mula sa anggulong ito...


*larawan mula sa http://www.neamhouse.com/wp-content/uploads/2011/08/Chair-inside-Chairs-by-Vivian-Chiu-Inception-Chair.jpg

..., ay nagmumukhang maraming upuan ang nakahilera sa likod nito. 
Tingnan ulit natin ito mula sa isa pang anggulo.


*larawan mula sa http://www.geekologie.com/2011/05/19/inception-chair-1.jpg


Maliwanag na bunga ng disenyo ang epektong ito sa ating paningin. Isa lamang ito sa mga likha ni Vivian Chiu na gumagamit ng epektong ito. Ang tawag sa epektong ito ay "Optical Illusion", kung saan ang isang bagay ay nagdudulot ng maling imahe sa ating isipan kapag tiningnan. [The Free Dictionary, Optical Illusion, http://www.thefreedictionary.com/optical+illusion 
(Accessed January 22, 2012)]


----------------------------------------------------------------------------------


Naisipan ko simulan ang Blog na ito sa isang optical illusion dahil ang lahat ng tao ay may kanya-kanyang paraan ng pagtingin sa mga bagay. Dahil lahat ng tao ay may kanya-kanyang mga ugali, paniniwala, paninindigan, pinanggalingan, estado sa buhay, gusto, at di-gusto, hindi maiiwasan na magkaron ng pagkakaiba ating mga pananaw. Tulad ng huling palabas na aking napanood, gumamit rin sila ng iba-ibang perspektibo upang ipakita ang iisang kuwento mula sa iba-ibang pananaw at media. Ito ang punto na nais kong punahan.


Ang palabas na aking pinanood ay "R.I.P" na tinanghal sa RMT ng AdMU noong ika-18 ng Enero. Sari-sari ang reaksyon noong mga manonood ng "R.I.P", na naging depende sa media na ginamit sa kanilang palabas. Noong nasa komedya pa lamang ang daloy ng palabas, hindi lahat ng mga manonood ay nakakasabay sa mga biro na kanilang pinapakita, na malamang ay dahil sa lalim ng wikang ginamit. Habang nanonood ay nakarinig ako ng ilang "ano daw?" o "ay nag-joke ba sila?" sa ilang mga biro na kahit ako mismo ay di ko rin masyado naintindihan. Tama nga naman at malalim na wika ang kanilang dapat gamitin, dahil maraming taon na ang nakalipas noong nauso ang komedya dito sa ating bayan, at nararapat lamang na gamitin nila ang malalim na wika na akma sa media nilang ginagamit. Pasalamat nalang kina Menangge at Tomeng dahil kahit papaano ay nakukuha ko paring tumawa kahit hindi ko masyado maintindihan yung mga biro. Isang katanungan na tumatak sa aking isipan matapos manood ay kung tama ba na wala masyadong innuendo ang mga dayalog parteng komedya, dahil narin nabanggit ko nga kanina na inuulit lamang ang kuwento ng palabas. Kung malaswa man ito, sisisihin ko ang malalim na wika at hindi ko napansin ito. 


Sa parte kung saaan sinubukan nilang lumipat sa sarswela ay unti-unti ko naring nakukuha yung mga ibang ibig-sabihin ng kanilang mga linya. Hindi lamang ako, kundi yung mga manonood sa tingin ko, dahil dumadalas narin ang halakhak at bungisngis sa lugar namin sa silid. 


Pagdating sa parte kung saan kumukuha na sila ng video, dito na ako nakasabay. Iba narin ang dating ng ibang mga linya sa manonood. Ang mga linyang "Pigaan(?) mo ng gata ang lumpia kong sariwa", "Diligan mo ng niyog ang mainit kong peachy-peachy" at "Nabilaukan ako sa mabalahibo mong okra", na bagamat ay inosente at matitinong mga linya, ay hindi maiwasan pag-isipan ng masama, lalo na at nakikita rin ang kung ano man yung ginagawa ng mga bida sa dula. Dito ko napatunayan na iba-iba ang dating ng mga linya sa tao depende narin sa wikang ginamit at media. Kung walang umuungol na parang kalabaw na kinakabag sa entablado habang kunukunan ng video, hindi ako hahalakhak ng malakas sa linyang "Ano ang tunog ng martilyo? Pokpok!"


Maliban sa malalim na wika sa simula, labis naman akong natuwa at nalibang sa dula. Kung magkakaron ng pangalawang parte ang dula ay titiyakin kong mapapanood ko ito, dahil napaka-galing ng pagkalikha nito. Sa katotohanan nga ay hindi ko naisipan na iisa pala ang kuwentong pinakita sa dula na inulit sa iba-ibang paraan kung hindi pa ito itinuro sa akin ng aking kaibigan. Nagpilit akong maghanap ng daloy sa istorya ng kuwento, hanggang malaman na inuulit lang pala ito. Pakiramdam ko naparating ng mga bida sa manonood ang emosyon na nais nila iparamdam. Biglaang nawala ang saya na parang isang iglap nang ipahayag na ni Colas ang mensahe ng dula, na maari ring naramdaman ng mga tumatangkilik sa komedya nang bigla itong nawala.


Dito ko natutunan na bagamat trabaho mo ang ipahayag ang nais mong ipahayag, responsable ka rin sa pagkaintindi ng umuunawa sa sinasabi mo.


----------------------------------------------------------------------------------


Bonus Content: 
Ano ang epekto kapag tiningnan mo mula sa isang seryosong perspektibo ang mga linya sa isang tipikal na pelikulang Pilipino? Wag na maging masyadong seryoso sa buhay, at panoorin ang makulit na commercial sa ibaba:**
**Paalala: I-buffer o i-load ng buo ang maikling palabas upang hindi mabitin ang ligaya. Maaring i-fullscreen narin para mas masaya. -mico :)


*video mula sa http://www.youtube.com/watch?v=K4wR3OOemlM


-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Mga Sanggunian (Sources):
*Ang playbill ng R.I.P, na nasa direksyon ni Dr. Alvin Yapan
*The Free Dictionary, Optical Illusion, http://www.thefreedictionary.com/optical+illusion (Accessed January 22, 2012)
*http://thisiscolossal.com/wp-content/uploads/2011/05/chair-1.jpg
*http://www.neamhouse.com/wp-content/uploads/2011/08/Chair-inside-Chairs-by-Vivian-Chiu-Inception-Chair.jpg
*http://www.geekologie.com/2011/05/19/inception-chair-1.jpg
*pepsiphiliipines, " PEPSI PINAS | 'Sa Akin Ang Pinas' FULL FEATURE", YouTube Video, 2:05, 
http://www.youtube.com/watch?v=K4wR3OOemlM, (Accessed January 22, 2012)