Sunday, February 19, 2012

Pinoy ka nga ba?

Sino o Ano na nga ba ang mga Pilipino ngayon?


Kung nagkataon man na isang araw ay malabo na ang kahulugan ng pagiging Pilipino, ito ang isang listahan ng mga bagay na sa tingin ko ay nakatitiyak ang pagiging isang Pilipino.


1) Mayroon kayong litrato ng "Last Supper" ni Da Vinci sa silid-kainan ninyo.
2) Katabi ng litratong ito ang isang higanteng pares ng kutsara at tinidor, na gawa sa kahoy.
3) Mayroon kayong Tito Boy o Tita Girlie sa pamilya.
4) Ang ibang palayaw sa inyo ay inuulit: Junjun, Lingling, Renren, atbp.
5) Hindi mawawala ang sawsawan tuwing oras ng kainan: Bagoong, toyo, suka...atbp.
6) Sa atin din (yata) nagmula ang mga kakaibang gawain kapag kumakain. Hal: Pinapalaman ang "ice cream" o sorbetes sa pandesal, sinasawsaw ang saging sa patis, atbp.
7) Sa isang pelikulang Pilipino, kapag may eksenang habulan ng kotse, kadalasan ay nakakabangga ng mga kahon ang mga kotse kapag dumaraan sa isang palengke.
8) Sa mga pampublikong lugar (o di kaya ay sa ibang bansa), alam mong may mga Pilipino sa lugar kapag may tumingin sa'yo matapos mo mag- "Pssssssssst!"
9) Kapag nasa isang hotel ka, inuuwi mo ang anumang libre sa kuwarto: Shampoo, sabon, tsinelas...lahat na!
10) Ang sukatan mo ng layo ay wala sa distansya. Ang sukatan mo ng layo ay kung gaano katagal kayo makakarating doon sa inyong ais puntahan.


Bonus: Mahilig ang mga Pilipino kumain. Mayroong Almusal, "brunch", Tanghalian, Meryenda, Hapunan, at "Midnight Snack". Hindi pa kasama rito ang mga pagkakataong wala kang magawa at naisip mo na lang buksan yung lalagyan ninyo ng pagkain.







Domestic Helper. Engineer. OFW. OCW. GRO. TNT. Caretaker. Manny Pacquiao. Charice Pempengco. Balut.




Ano-ano ang pagkakapareho ng mga salita sa itaas? Oo, lahat yan ay may bahid ng pagiging parte ng mga Pilipino. Sa totoo nga lang, diyan tayo nakikilala. Sa dami ng mga Pilipinong nakasaboy sa mundo, hindi kagulat-gulat na makilala tayo ng mundo. Mga Pilipino daw ang pinaka-hospitable na tao sa mundo. Kaya daw naimbento ang terminong "Filipino Hospitality".


Sa panahong ito, napansin ko na parami na ng parami ang nagma-migrate sa ibang bansa. Karamihan sa mga kilala ko ay napapadpad sa mga sumusunod na bansa: Canada, New Zealand, Germany, o kung saan mang lupalop ng mundo. Hindi ako magugulat, dahil kahit ako mismo, naisip ko na rin na umalis ng bansa. Hindi ko sila masisisi dahil minsan parang nakakawala na ng tiwala ang pag-unlad ng ating bansa. Pero hindi pa rin natin dapat kalimutan ang pagiging Pilipino, kahit nasa ibang lugar man tayo.


Sunday, February 12, 2012

Pagiging Praktikal: Ang Opisyal na Bro Badyet (Isinalin sa Filipino)

Isang mahalagang dokumento mula sa amin ng barkada ko noong nasa highschool kami.
Isang mahalagang batayan na hanggang ngayon ay (sa tingin ko) aming sinusundan.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------


Naririnig niyo ba yun? Yun ang tunog ng pitaka ni Boyet na kasalukuyang nagluluksa.


Dahil malapit na ang Valentine's Day o ang dakilang araw ng mga puso, naisip ko na isapubliko na noon lamang ay isang masayang usapan na nauwi sa pagkakabuo ng mahiwagang dokumentong ito. Nabuo sa likod ng kuwarto ng 3-I sa eskwelahang Colegio San Agustin Makati, dalawang taon na ang nakalilipas.


Ang dokumentong ito ay para sa mga lalaki na nais lumabas kasama ang kanyang nililigawang babae ( o lalaki, o anumang bagay. Ewan ko ba kung ano trip ng mga tao sa mga panahong ito).

Maaaring tandaan ang isang mahalagang punto bago ipagpatuloy ang pagbabasa:


Ang dokumentong ito ay masasabing ideyal lamang, at hindi kailanman naging parte ng anumang pambansang batas na dapat sundan*. Isa lamang itong gabay para sa mga kapwa nating lalaki na ang tanging hangad lamang ay kaunting pagmamahal mula sa kanyang sinisinta.

*Sabagay, hindi naman lahat ng batas sa bansa ay nasusundan. Ehem,ehem!

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Dahilan ng pagkakagawa "Ang Opisyal na Badyet ng mga Bro" ("The Official Bro Budget")
Dahil sa panahon ngayon, na dying breed na ang mga "gentleman" at mga "prince charming", ginawa ang dokumentong ito upang ipakita sa mga babae na hinde, may natitira pa ring mga "knight in shining armorsa Pilipinas, bagamat iba lang ang kanilang mga itsura at pinanggalingan. 

Muling ibinubuhay nito ang dating tradisyon na ang lalaki ang sasagot ng lahat ng gastusin tuwing lalabas. Ang mensahe na nais iparating ng dokumentong ito ay kaya ng lalaki na suportahan ang anumang mararating nila ng kanyang kasintahan, kung sakaling tumagal sila.


So, magkano nga ba ang kailangan ihanda namin pag lalabas?
Dahil panahon nanaman ng taghirap, nagmamahal ang presyo ng langis at gasolina, at uso pa rin ang "recession" sa Estados Unidos, kapag lalabas kayo ng kasintahan mo, ang pinakamababang halaga na dapat laman ng pitaka mo ay...


1500 pesos.


ANOOOOOOO DAAAW?!?!?!?!
(imahe mula sa  http://i.qkme.me/35lr5r.jpg  )


Oo, tama ang inyong nabasa. Maaaring tingnan na lamang sa susunod na imahe ang pagkakahati ng inilathalang badyet



Bakit nga ba 1500 pesos? Isang detalyadong paliwanag 

Kung titingnan ang graph sa itaas, nahahati ang ating badyet sa limang bahagi: Pagkain, sine, pagkatapos ng sine, "Extra fund", at ang "Emergency Fund". Ideal na tig-300 ang paghati sa bawat bahagi, ngunit maaaring madagdagan ito o mabawasan, depende sa sitwasyon at mga  pangyayari sa mismong date.


Sabihin nating ang plano ninyo ay mula tanghali (11:30 ng umaga) hanggang hapon 
(mga 5:30 p.m.). Una sa bahagi ng badyet ay ang para sa pagkain. Sabihin nating katamtaman ang lakas ng kain ng iyong kasama, kasya na ang 300 para sa inyong dalawa.  Nasa galing ng pananaliksik ng lalaki kung saan siya makakakita ng masarap na kainan ngunit magaan lang sa bulsa (o sa pagkakataong ito, alinsunod sa ating badyet). Swerte mo kung hindi masyado malakas kumain ang kanyang kasama. Kung nagkataon naman at hindi nag-almusal ang iyong kasama, siguraduhing kaya ng tiyan mo na tiisin ang tubig mula sa inyong kakainan, at manalanging malinis ang house water na kanilang inihahanda.*

*maaaring haluan ng kaunting rubbing alcohol yung tubig para maging malinis ito. Huwag sobrahan at baka maging vodka yang iinumin mo. Joke lang, huwag mong gawin 'to.


Hindi kumpleto ang isang date kung walang sine. Dahil kakakain niyo lamang, hindi na kailangang bumili ng papapakin habang nanonood ng sine. Tatagal rin naman ang kinain niyo, dahil kadalasan ay isa at kalahating oras lang naman ang mga sine ngayon. Huling tingin namin (mula sa pagkabuo ng dokumentong ito) ay sakto na ang 300 para sa isang pares ng ticket para sa sine. Ikaw na bahala kung gusto niyo pang 3D o IMAX yung papanoorin niyo, kaso lalagpas sa 300 yung gastos doon.

Ikatlo sa badyet ay para sa mga gawain pagkatapos niyo manood ng sine. Swerte kung busog pa kayo pareho, ngunit kung hindi ay maaari nang mag-merienda. Ito na rin ang oras ninyo para mag-ikot sa lugar ninyong pinuntahan. Kung nangangati kayong maglaro ay marami namang Timezone na nakakalat sa Metro Manila. Trabaho mo na para alamin kung ano ang trip ng kasama mo.

Susunod sa badyet ay ang "extra fund". Ito yung babawasan mo kapag naglalakad kayo sa mall, at biglang nakakita ang kasama mo ng bagay na gusto niyang bilhin. Talasan ang iyong tenga, dahil hindi niya ito sasabihin sa iyo ng diretso. At syempre naman, dahil gusto mo magpakitang-gilas sa kasama mo,"ililibre" mo siya ng bagay na ito (kung kakayanin ng extra fund.) Itong "extra fund" na rin ang babawasan mo kapag gusto mo magpasalamat sa magulang ng kasama mo kung pormal kang nagpaalam sa kanila para lumabas kayo.  Ikaw na bahala: Brownies, ensaymada... muli, alamin ang mga gusto ng magulang ng kasama mo. Ito na rin ang nagsisigurado na makakalabas kayo ulit, na ibig-sabihin naman ay dalawang linggo ka nanamang hindi kakain para pag-ipunan itong date niyo.

Huling bahagi ay nakalaan para sa mga emergency na maaaring mangyari sa inyo. Kunwari ay kailangan niyang mag-commute pauwi, mayroon kang pera para ihatid siya sa lugar nila. O di kaya ay nagutom kayo ulit, diba? Basta, ito na ang pinaka-huling babawasan sa lahat ng bahagi ng badyet, at gagamitin lamang kapag kailangan talaga.

Mga ilang paalala
Muli, ideyal lamang ang badyet na ito. Kung sabihin nating ang ideya ng ka-date mo ay ang fishball lamang sa kanto ng bahay nila, isang malaking Bonus iyon para sa iyo. Ayos!

Alalahanin na dahil malaking halaga ang kinakailangan ng badyet na ito, maaaring dalawang linggo pa lang bago ang aktwal na araw ay nag-iipon ka na (o kung gaano man katagal sa iyo para ipunin ang halagang ito)


Sana ay nakatulong sa inyo ang dokumentong ito.

Cheers!
-Myx

Mula sa isang taong kailanman ay hindi pa nasusubukan gamitin ang badyet na ito.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Maraming pasasalamat kina Edward, Francis, Fabio, Gian, Nicco, at kung sino pa man yung mga kasama natin sa 3-I noong pinag-uusapan natin ito. 



Saturday, January 28, 2012

Opinion: Ano ang "friendzone", at ano ang epekto nito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas?

SCENARIO:
Matagal nang nililigawan ni Boyet si Girlalu (sabihin nating mag-iisang taon na. Lakas mo, brad!).
Naisip ni Boyet na total matagal na silang magkakilala ni Girlalu, at matagal narin niyang nililigawan ito, siguro naman puwede na sila maging mag-kasintahan. 
Isang araw ay lumabas sila sa Mall para mag-date. Tingnan ang maikling komik sa ibaba 
(maaring i-zoom nalang kapag hindi makita ng maayos):




*isang moment of silence para sa kumpadre nating na-friendzone.*


Hala! Holy Kalabawbibaw! Na-"friendzone" si Pareng Boyet! Sa hindi-mapaliwanag-kung-anong-kababalaghan na pagkakataon (at malamang dahilan), mas napili ni Girlalu na maging magkaibigan nalang sina ni Boyet! Para sa maraming lalaki ngayon, katapusan na ito ng pagkakataon nilang maging kasintahan ang babaeng kanilang niligawan. "Friendzone" ang tawag sa pangyayaring ito, at laganap ito kahit sa kasulok-sulukan ng mundong ito. 



Nakanambugi, so ano nga ba ang "Friendzone"?!
Kung binabasa mo ito ngayon ay malamang nasa 16-taong gulang ka pataas. Ibig-sabihin ay marunong ka naman siguro mag-context clues.
Pero para sa kapakanan ng nakararami: ang "Friendzone " ay ang pangyayari kung saan mas pinipili ng kasalukuyang babaeng nililigawan mo na maging magkaibigan nalang kayo imbis na maging magkasintahan. 



Etymology ng salitang "Friendzone":
Aba, malay ko ba. Nagsimula lang kumalat itong salitang ito noong mga bandang Disyembre noong taong 2011 sa mga website na tulad ng 9gag.com*, kung saan kalat ang mga komik sa katulad ng nasa itaas. Dahil napakalaking bagay ang sakop ng salitang ito, hindi nakagugulat na kumalat ang konseptong ito, at maipuna bilang isang negatibong bagay.
 *BABALA: Humihigop ng kaluluwa ang nasabinh website. Maaring magdala nalang ng isang timba ng Holy Water kapag tatampukin ang website na ito)


Masama nga ba ang "Friendzone"?
Tanungin mo nga sarili mo. Kailan ba naging masama na maging magkaibigan? Maliban nalang siguro kung hindi mo talaga gusto yung tao diba. Pero kung hindi mo talaga gusto yung tao, bakit ka nakipagkaibigan in the first place?! At kailan pa hindi naging kasama sa proseso ng panliligaw ang maging magkaibigan muna? Ano na ang nangyari at nagmamadali na ang mga tao sa kasalukuyang panahon? Lahat nalang ng  gusto ay instant: kape, noodles,  trabaho, kaligayahan...lahat na!


Maiintindihan ko naman kung ang basehan ng mundo ay ang kalendaryo ng mga Mayan kung saan labing-isang buwan nalang mula sa pagkasulat nitong blog na ito ay magugunaw na ang mundo. Pero hindi parin e. Kahit pa isandaan pang taon ang itatagal ng mga tao sa mundo, may malaking pagbabago na sa mga bagay na pinapahalahagahan ngayon.


Ang konseptong ito ang nagpapakita kung ano na ang pinapahalaga ng karamihan sa mga tao ngayon, kung hindi man lahat. Sa bilis na ng daloy ng buhay ngayon, kung saan ang mga makina ay automated na at parami na ng parami ang nadadagdag sa mga bagay na instant, naaapekto na ang mga tradisyon at pinapahalagahan ng mga tao ngayon. Kasama na dito ang matagal nang tradisyon ng panliligaw.


Hindi ba pwedeng magkaibigan muna bago maging magkasintahan? Sa tingin ko, wala namang problema dito. Malaking BONUS (malaki talaga) na mas mapalapit muna kayo sa isa't-isa, kaysa naman sa wala. Isipin mo: mas pinapahalagan ng Girlalu mo ang pagkakaibigan niyo, ang pagsasama  niyo bilang magkakaibigan. Mas pinipili niya ang quality over quantity. Kung ating tatandaan, sinasabi nila dati na "sa pagkakaibigan nagsisimula lahat", at pag sinabing lahat, kasama na diyan ang pagiging magkaibigan, magkaaway, magkabati, magka-ibigan, at magkasintahan....package-deal nga!


Kaya mga kapatid sa pananampalataya o paniniwala, huwag maabala sa friendzone! Sa halip, magdiwang! Hindi iyan simula ng pagtatapos; simula iyan ng susunod na kabanata bilang magkaibigan. AT HUWAG SUMUKO NG WALANG LABAN!


Sabi nga ni G.I. Joe: "Knowing is half the battle".
Hindi man related sa dinaldal ko sa itaas, astig parin pakinggan, diba?!?!


Peace!
Mula sa isang taong Hari ng "Friendzone", sabi ng kuya niya.
-myx
-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Bonus Content: Ang sagot sa pamagat ay malamang, wala. Uminom ka nga ng gatas. 

Sunday, January 22, 2012

Nasa Mata ng Tumitingin, Nasa Sapatos ng Nakakaranas

 *Larawan mula sa http://thisiscolossal.com/wp-content/uploads/2011/05/chair-1.jpg

Tingnan ang upuan nasa ibabaw. Isa itong likhang sining na ginawa ng isang nangangalang Vivian Chiu. "Inception Chair" ang tawag sa upuan na ito, na sa aking opinyon, ay maaring na-inspire mula sa sikat na pelikulang "Inception" na naipalabas noong taong 2010, kung saan ginamit ng dalawang bida ang mga "panaginip sa loob ng panaginip" (o "dream within a dream") ng kanilang mga biktima upang makakakuha ng importanteng impormasyon. (mula sa http://en.wikipedia.org/wiki/Inception). Ang pelikulang ito ang nagsimula ng kaisipang may mga bagay sa loob ng isa pang bagay. Kung titingnan mula sa anggulong itoang upuan , mukha itong ordinaryong upuan na may kakaibang disenyo. 


Ngunit, kapag tiningnan natin mula sa anggulong ito...


*larawan mula sa http://www.neamhouse.com/wp-content/uploads/2011/08/Chair-inside-Chairs-by-Vivian-Chiu-Inception-Chair.jpg

..., ay nagmumukhang maraming upuan ang nakahilera sa likod nito. 
Tingnan ulit natin ito mula sa isa pang anggulo.


*larawan mula sa http://www.geekologie.com/2011/05/19/inception-chair-1.jpg


Maliwanag na bunga ng disenyo ang epektong ito sa ating paningin. Isa lamang ito sa mga likha ni Vivian Chiu na gumagamit ng epektong ito. Ang tawag sa epektong ito ay "Optical Illusion", kung saan ang isang bagay ay nagdudulot ng maling imahe sa ating isipan kapag tiningnan. [The Free Dictionary, Optical Illusion, http://www.thefreedictionary.com/optical+illusion 
(Accessed January 22, 2012)]


----------------------------------------------------------------------------------


Naisipan ko simulan ang Blog na ito sa isang optical illusion dahil ang lahat ng tao ay may kanya-kanyang paraan ng pagtingin sa mga bagay. Dahil lahat ng tao ay may kanya-kanyang mga ugali, paniniwala, paninindigan, pinanggalingan, estado sa buhay, gusto, at di-gusto, hindi maiiwasan na magkaron ng pagkakaiba ating mga pananaw. Tulad ng huling palabas na aking napanood, gumamit rin sila ng iba-ibang perspektibo upang ipakita ang iisang kuwento mula sa iba-ibang pananaw at media. Ito ang punto na nais kong punahan.


Ang palabas na aking pinanood ay "R.I.P" na tinanghal sa RMT ng AdMU noong ika-18 ng Enero. Sari-sari ang reaksyon noong mga manonood ng "R.I.P", na naging depende sa media na ginamit sa kanilang palabas. Noong nasa komedya pa lamang ang daloy ng palabas, hindi lahat ng mga manonood ay nakakasabay sa mga biro na kanilang pinapakita, na malamang ay dahil sa lalim ng wikang ginamit. Habang nanonood ay nakarinig ako ng ilang "ano daw?" o "ay nag-joke ba sila?" sa ilang mga biro na kahit ako mismo ay di ko rin masyado naintindihan. Tama nga naman at malalim na wika ang kanilang dapat gamitin, dahil maraming taon na ang nakalipas noong nauso ang komedya dito sa ating bayan, at nararapat lamang na gamitin nila ang malalim na wika na akma sa media nilang ginagamit. Pasalamat nalang kina Menangge at Tomeng dahil kahit papaano ay nakukuha ko paring tumawa kahit hindi ko masyado maintindihan yung mga biro. Isang katanungan na tumatak sa aking isipan matapos manood ay kung tama ba na wala masyadong innuendo ang mga dayalog parteng komedya, dahil narin nabanggit ko nga kanina na inuulit lamang ang kuwento ng palabas. Kung malaswa man ito, sisisihin ko ang malalim na wika at hindi ko napansin ito. 


Sa parte kung saaan sinubukan nilang lumipat sa sarswela ay unti-unti ko naring nakukuha yung mga ibang ibig-sabihin ng kanilang mga linya. Hindi lamang ako, kundi yung mga manonood sa tingin ko, dahil dumadalas narin ang halakhak at bungisngis sa lugar namin sa silid. 


Pagdating sa parte kung saan kumukuha na sila ng video, dito na ako nakasabay. Iba narin ang dating ng ibang mga linya sa manonood. Ang mga linyang "Pigaan(?) mo ng gata ang lumpia kong sariwa", "Diligan mo ng niyog ang mainit kong peachy-peachy" at "Nabilaukan ako sa mabalahibo mong okra", na bagamat ay inosente at matitinong mga linya, ay hindi maiwasan pag-isipan ng masama, lalo na at nakikita rin ang kung ano man yung ginagawa ng mga bida sa dula. Dito ko napatunayan na iba-iba ang dating ng mga linya sa tao depende narin sa wikang ginamit at media. Kung walang umuungol na parang kalabaw na kinakabag sa entablado habang kunukunan ng video, hindi ako hahalakhak ng malakas sa linyang "Ano ang tunog ng martilyo? Pokpok!"


Maliban sa malalim na wika sa simula, labis naman akong natuwa at nalibang sa dula. Kung magkakaron ng pangalawang parte ang dula ay titiyakin kong mapapanood ko ito, dahil napaka-galing ng pagkalikha nito. Sa katotohanan nga ay hindi ko naisipan na iisa pala ang kuwentong pinakita sa dula na inulit sa iba-ibang paraan kung hindi pa ito itinuro sa akin ng aking kaibigan. Nagpilit akong maghanap ng daloy sa istorya ng kuwento, hanggang malaman na inuulit lang pala ito. Pakiramdam ko naparating ng mga bida sa manonood ang emosyon na nais nila iparamdam. Biglaang nawala ang saya na parang isang iglap nang ipahayag na ni Colas ang mensahe ng dula, na maari ring naramdaman ng mga tumatangkilik sa komedya nang bigla itong nawala.


Dito ko natutunan na bagamat trabaho mo ang ipahayag ang nais mong ipahayag, responsable ka rin sa pagkaintindi ng umuunawa sa sinasabi mo.


----------------------------------------------------------------------------------


Bonus Content: 
Ano ang epekto kapag tiningnan mo mula sa isang seryosong perspektibo ang mga linya sa isang tipikal na pelikulang Pilipino? Wag na maging masyadong seryoso sa buhay, at panoorin ang makulit na commercial sa ibaba:**
**Paalala: I-buffer o i-load ng buo ang maikling palabas upang hindi mabitin ang ligaya. Maaring i-fullscreen narin para mas masaya. -mico :)


*video mula sa http://www.youtube.com/watch?v=K4wR3OOemlM


-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Mga Sanggunian (Sources):
*Ang playbill ng R.I.P, na nasa direksyon ni Dr. Alvin Yapan
*The Free Dictionary, Optical Illusion, http://www.thefreedictionary.com/optical+illusion (Accessed January 22, 2012)
*http://thisiscolossal.com/wp-content/uploads/2011/05/chair-1.jpg
*http://www.neamhouse.com/wp-content/uploads/2011/08/Chair-inside-Chairs-by-Vivian-Chiu-Inception-Chair.jpg
*http://www.geekologie.com/2011/05/19/inception-chair-1.jpg
*pepsiphiliipines, " PEPSI PINAS | 'Sa Akin Ang Pinas' FULL FEATURE", YouTube Video, 2:05, 
http://www.youtube.com/watch?v=K4wR3OOemlM, (Accessed January 22, 2012)