Isang mahalagang batayan na hanggang ngayon ay (sa tingin ko) aming sinusundan.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------
![]() |
Naririnig niyo ba yun? Yun ang tunog ng pitaka ni Boyet na kasalukuyang nagluluksa. |
Dahil malapit na ang Valentine's Day o ang dakilang araw ng mga puso, naisip ko na isapubliko na noon lamang ay isang masayang usapan na nauwi sa pagkakabuo ng mahiwagang dokumentong ito. Nabuo sa likod ng kuwarto ng 3-I sa eskwelahang Colegio San Agustin Makati, dalawang taon na ang nakalilipas.
Ang dokumentong ito ay para sa mga lalaki na nais lumabas kasama ang kanyang nililigawang babae ( o lalaki, o anumang bagay. Ewan ko ba kung ano trip ng mga tao sa mga panahong ito).
Maaaring tandaan ang isang mahalagang punto bago ipagpatuloy ang pagbabasa:
Ang dokumentong ito ay masasabing ideyal lamang, at hindi kailanman naging parte ng anumang pambansang batas na dapat sundan*. Isa lamang itong gabay para sa mga kapwa nating lalaki na ang tanging hangad lamang ay kaunting pagmamahal mula sa kanyang sinisinta.
*Sabagay, hindi naman lahat ng batas sa bansa ay nasusundan. Ehem,ehem!
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Dahilan ng pagkakagawa "Ang Opisyal na Badyet ng mga Bro" ("The Official Bro Budget")
Dahil sa panahon ngayon, na dying breed na ang mga "gentleman" at mga "prince charming", ginawa ang dokumentong ito upang ipakita sa mga babae na hinde, may natitira pa ring mga "knight in shining armor" sa Pilipinas, bagamat iba lang ang kanilang mga itsura at pinanggalingan.
Muling ibinubuhay nito ang dating tradisyon na ang lalaki ang sasagot ng lahat ng gastusin tuwing lalabas. Ang mensahe na nais iparating ng dokumentong ito ay kaya ng lalaki na suportahan ang anumang mararating nila ng kanyang kasintahan, kung sakaling tumagal sila.
So, magkano nga ba ang kailangan ihanda namin pag lalabas?
Dahil panahon nanaman ng taghirap, nagmamahal ang presyo ng langis at gasolina, at uso pa rin ang "recession" sa Estados Unidos, kapag lalabas kayo ng kasintahan mo, ang pinakamababang halaga na dapat laman ng pitaka mo ay...
1500 pesos.
![]() |
ANOOOOOOO DAAAW?!?!?!?! (imahe mula sa http://i.qkme.me/35lr5r.jpg ) |
Oo, tama ang inyong nabasa. Maaaring tingnan na lamang sa susunod na imahe ang pagkakahati ng inilathalang badyet
Bakit nga ba 1500 pesos? Isang detalyadong paliwanag
Kung titingnan ang graph sa itaas, nahahati ang ating badyet sa limang bahagi: Pagkain, sine, pagkatapos ng sine, "Extra fund", at ang "Emergency Fund". Ideal na tig-300 ang paghati sa bawat bahagi, ngunit maaaring madagdagan ito o mabawasan, depende sa sitwasyon at mga pangyayari sa mismong date.
Sabihin nating ang plano ninyo ay mula tanghali (11:30 ng umaga) hanggang hapon
(mga 5:30 p.m.). Una sa bahagi ng badyet ay ang para sa pagkain. Sabihin nating katamtaman ang lakas ng kain ng iyong kasama, kasya na ang 300 para sa inyong dalawa. Nasa galing ng pananaliksik ng lalaki kung saan siya makakakita ng masarap na kainan ngunit magaan lang sa bulsa (o sa pagkakataong ito, alinsunod sa ating badyet). Swerte mo kung hindi masyado malakas kumain ang kanyang kasama. Kung nagkataon naman at hindi nag-almusal ang iyong kasama, siguraduhing kaya ng tiyan mo na tiisin ang tubig mula sa inyong kakainan, at manalanging malinis ang house water na kanilang inihahanda.*
*maaaring haluan ng kaunting rubbing alcohol yung tubig para maging malinis ito. Huwag sobrahan at baka maging vodka yang iinumin mo. Joke lang, huwag mong gawin 'to.
Hindi kumpleto ang isang date kung walang sine. Dahil kakakain niyo lamang, hindi na kailangang bumili ng papapakin habang nanonood ng sine. Tatagal rin naman ang kinain niyo, dahil kadalasan ay isa at kalahating oras lang naman ang mga sine ngayon. Huling tingin namin (mula sa pagkabuo ng dokumentong ito) ay sakto na ang 300 para sa isang pares ng ticket para sa sine. Ikaw na bahala kung gusto niyo pang 3D o IMAX yung papanoorin niyo, kaso lalagpas sa 300 yung gastos doon.
Ikatlo sa badyet ay para sa mga gawain pagkatapos niyo manood ng sine. Swerte kung busog pa kayo pareho, ngunit kung hindi ay maaari nang mag-merienda. Ito na rin ang oras ninyo para mag-ikot sa lugar ninyong pinuntahan. Kung nangangati kayong maglaro ay marami namang Timezone na nakakalat sa Metro Manila. Trabaho mo na para alamin kung ano ang trip ng kasama mo.
Susunod sa badyet ay ang "extra fund". Ito yung babawasan mo kapag naglalakad kayo sa mall, at biglang nakakita ang kasama mo ng bagay na gusto niyang bilhin. Talasan ang iyong tenga, dahil hindi niya ito sasabihin sa iyo ng diretso. At syempre naman, dahil gusto mo magpakitang-gilas sa kasama mo,"ililibre" mo siya ng bagay na ito (kung kakayanin ng extra fund.) Itong "extra fund" na rin ang babawasan mo kapag gusto mo magpasalamat sa magulang ng kasama mo kung pormal kang nagpaalam sa kanila para lumabas kayo. Ikaw na bahala: Brownies, ensaymada... muli, alamin ang mga gusto ng magulang ng kasama mo. Ito na rin ang nagsisigurado na makakalabas kayo ulit, na ibig-sabihin naman ay dalawang linggo ka nanamang hindi kakain para pag-ipunan itong date niyo.
Huling bahagi ay nakalaan para sa mga emergency na maaaring mangyari sa inyo. Kunwari ay kailangan niyang mag-commute pauwi, mayroon kang pera para ihatid siya sa lugar nila. O di kaya ay nagutom kayo ulit, diba? Basta, ito na ang pinaka-huling babawasan sa lahat ng bahagi ng badyet, at gagamitin lamang kapag kailangan talaga.
Mga ilang paalala
Muli, ideyal lamang ang badyet na ito. Kung sabihin nating ang ideya ng ka-date mo ay ang fishball lamang sa kanto ng bahay nila, isang malaking Bonus iyon para sa iyo. Ayos!
Alalahanin na dahil malaking halaga ang kinakailangan ng badyet na ito, maaaring dalawang linggo pa lang bago ang aktwal na araw ay nag-iipon ka na (o kung gaano man katagal sa iyo para ipunin ang halagang ito)
Sana ay nakatulong sa inyo ang dokumentong ito.
Cheers!
-Myx
Mula sa isang taong kailanman ay hindi pa nasusubukan gamitin ang badyet na ito.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Maraming pasasalamat kina Edward, Francis, Fabio, Gian, Nicco, at kung sino pa man yung mga kasama natin sa 3-I noong pinag-uusapan natin ito.
![]() |
Isaayos ito sang-ayon sa "Gabay sa Ispeling" bago muling ipasa ang link sa e-mail. Halimbawa: maaari, hindi maari; kuwarto, hindi kwarto; kaniya at hindi kanya, at iba pa.
ReplyDeleteMarami pa rin akong nakikitang mali sa entring ito; nanghihinayang ako sa nilalaman, subalit kailangan mong sundin ang nasa "Gabay sa Ispeling" lalo pa't nasa klase tayo ng pagsusulat.
ReplyDelete